Ika-86 na surah sa Mushaf, 17 na ayah, nagsisimula sa pahina 591.
بِسۡمِ ٱللَّهِ ٱلرَّحۡمَٰنِ ٱلرَّحِيمِ
1. Sumpa man sa langit at sa tagapunta sa gabi.
2. Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano ang tagapunta sa gabi?
3. [Ito] ang bituing tumatagos.
4. Walang kaluluwa malibang dito ay may isang [anghel na] tagapag-ingat.
5. Kaya tumingin ang tao mula sa ano siya nilikha.
6. Nilikha siya mula sa isang likidong pumupulandit,
7. na lumalabas mula sa pagitan ng gulugod [ng lalaki] at mga tadyang.
8. Tunay na Siya, sa pagpapabalik dito,[1] ay talagang Nakakakaya.
[1] sa buhay mula sa kamatayan para sa pagtutuos.
9. Sa Araw na sisiyasatin ang mga lihim [para ibunyag],
10. walang ukol sa kanya na anumang lakas ni tagapag-adya.
11. Sumpa man sa langit na may pagpapabalik,
12. sumpa man sa lupa na may bitak [ng pagtubo ng halaman];
13. tunay na [ang Qur’ān na] ito ay talagang isang sinabing pambukod,
14. at hindi ito ang biru-biro.
15. Tunay na sila ay nanlansi ng isang panlalansi [laban sa inihatid ng Propeta],
16. at nanlansi naman Ako ng isang panlalansi [laban sa kanila].
17. Kaya mag-anta-antabay ka sa mga tagatangging sumampalataya, mag-antabay ka sa kanila nang hinay-hinay.
Salin ng kahulugan: Filipino Translation (Tagalog) - Rowwad Translation Center, bersiyon 1.1.4, inilathala nang walang pagbabago mula sa QuranEnc.com. (QuranEnc.com)
Ang salin ay naghahatid ng kahulugan ng Qur'an; hindi ito ang Qur'an mismo, na siyang tekstong Arabe sa itaas.