Ika-87 na surah sa Mushaf, 19 na ayah, nagsisimula sa pahina 591.
بِسۡمِ ٱللَّهِ ٱلرَّحۡمَٰنِ ٱلرَّحِيمِ
1. Magluwalhati ka sa ngalan ng Panginoon mo, ang Pinakamataas,
2. na lumikha saka humubog,
3. na nagtakda saka nagpatnubay,
4. na nagpalabas ng pastulan,
5. saka gumawa Siya rito na yagit na nangingitim.
6. Magpapabigkas Kami sa iyo[1] kaya hindi ka makalilimot,
[1] ng Qur’an, O Propeta Muhammad
7. maliban sa niloob ni Allāh. Tunay na Siya ay nakaaalam sa lantad at anumang nagkukubli.
8. Magpapadali Kami sa iyo para sa pinakamadali.
9. Kaya magpaalaala ka kung mapakikinabangan ang paalaala.
10. Magsasaalaala ang sinumang natatakot [kay Allāh]
11. at umiiwas dito ang pinakamalumbay,
12. na masusunog sa Apoy na pinakamalaki.
13. Pagkatapos hindi siya mamamatay roon at hindi mabubuhay.
14. Nagtagumpay nga ang sinumang nagpakabusilak [mula sa kasamaan]
15. at bumanggit sa ngalan ng Panginoon niya saka nagdasal.
16. Bagkus nagtatangi kayo ng buhay na pangmundo
17. samantalang ang Kabilang-buhay ay higit na mabuti at higit na nananatili.
18. Tunay na ito ay talagang nasa mga unang kalatas,
19. na mga kalatas nina Abraham at Moises.
Salin ng kahulugan: Filipino Translation (Tagalog) - Rowwad Translation Center, bersiyon 1.1.4, inilathala nang walang pagbabago mula sa QuranEnc.com. (QuranEnc.com)
Ang salin ay naghahatid ng kahulugan ng Qur'an; hindi ito ang Qur'an mismo, na siyang tekstong Arabe sa itaas.