Ika-81 na surah sa Mushaf, 29 na ayah, nagsisimula sa pahina 586.
بِسۡمِ ٱللَّهِ ٱلرَّحۡمَٰنِ ٱلرَّحِيمِ
1. Kapag ang araw ay ipinulupot,
2. kapag ang mga bituin ay pumanglaw,
3. kapag ang mga bundok ay iuusad,
4. kapag ang mga buntis na kamelyo[1] ay pinabayaan,
[1] Ibig sabhin: ang mga pinakamamahaling ari-arian
5. kapag ang mga mailap na hayop ay kinalap,
6. kapag ang mga dagat ay pinagliyab,
7. kapag ang mga kaluluwa ay ipinagpares,[2]
[2] sa katulad ng mga ito
8. kapag ang [batang] babaing inilibing nang buhay ay tatanungin
9. dahil sa aling pagkakasala siya pinatay,
10. kapag ang mga pahina [ng tala ng gawa ng tao] ay inilatag,
11. kapag ang langit ay tinuklap,
12. kapag ang Impiyerno ay pinagliyab,
13. at kapag ang Paraiso ay pinalapit [sa mga mananampalataya];
14. malalaman ng isang kaluluwa ang ilalahad nito [na maganda at masagwa].
15. Kaya talagang sumusumpa Ako sa mga bituing umuurong,
16. na umiinog na nagtatago,
17. at sa gabi kapag umurong-sulong ito,
18. at sa madaling-araw kapag huminga ito;
19. tunay na [ang Qur’ān na] ito ay talagang sinabi [ni Allāh] sa isang sugong marangal,
20. [si Anghel Gabriel] na may lakas sa ganang May-ari ng Trono, na mataas sa kalagayan,
21. na tinatalima [ng mga anghel], pagkatapos mapagkakatiwalaan.
22. [O mga tao,] ang kasamahan ninyo [na si Propeta Muḥammad] ay hindi isang baliw.
23. Talaga ngang nakakita siya rıto [kay Anghel Gabriel] sa abot-tanaw na malinaw.
24. Siya, [sa pagpapaabot ng kaalaman] sa nakalingid, ay hindi isang sakim.
25. [Ang Qur’ān na] ito ay hindi sinabi ng isang demonyong kasumpa-sumpa.
26. Kaya saan kayo pupunta?
27. Walang iba ito kundi isang paalaala para sa mga nilalang,
28. para sa sinumang lumoob kabilang sa inyo na magpakatuwid,
29. at hindi kayo magloloob maliban na lumuob si Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang.
Salin ng kahulugan: Filipino Translation (Tagalog) - Rowwad Translation Center, bersiyon 1.1.4, inilathala nang walang pagbabago mula sa QuranEnc.com. (QuranEnc.com)
Ang salin ay naghahatid ng kahulugan ng Qur'an; hindi ito ang Qur'an mismo, na siyang tekstong Arabe sa itaas.